Keywords
Kritikal na Pilosopiyang Pilipino, Balik-Kilatis, Metapilosopiya, Araling Pilipino, Self-Reflexive na Pananaliksik
Abstract
Tinutugunan ng papel na ito ang kakulangan ng sistematikong self-reflexive na pagsusuri sa loob ng pilosopiyang Pilipino (PP), partikular hinggil sa pag-usbong, konsolidasyon, at potensiyal na pagma-mainstream ng kritikal na pilosopikyang Pilipino (KPP). Sa halip na maglatag ng pangkalahatang kasaysayan ng KPP, inilulugar ng pag-aaral ang sariling intelektuwal na landas ng may-akda bilang isang kongretong kaso ng aktuwal na pagsasagawa ng kritikal na pamimilosopiya sa Pilipinas. Ginamit ang balik-kilatis bilang pangunahing metodolohikal na balangkas, isang self-reflexive, kritikal, at normatibong lapit na humihimay at humahatol sa sariling intelektuwal na praktika. Sinuri ang personal na karanasan, mga naisulat na akda, at dokumentasyon sa pamamagitan ng historikal na rekonstrukyson, tipolohikal na pagsusuri, at metapilosopikal na pagkikilatis. Natukoy ang apat na tipolohiya ng KPP, metapilosopikal, pampolisiya, ideolohikal, at historikal, na may malinaw na pagkakaiba batay sa paksa at tunguhin, bagama't may malawak na overlap sa metodo at teorya. Ipinakita rin ang organikong ugnayan ng KPP sa araling Pilipino (AP), pati ang papel ng pananaliksik, pagmementor, at research governance sa pagpapalakas ng KPP. Iginigiit ng papel na ang pag-unlad at pagpapamainstream ng KPP ay nangangailangan ng sinadyang estratehiya sa pokus ng paksa, metodolohikal at teoretikal na inobasyon, at integrasyon ng pananaliksik at institusyunal na praktika. Sa ganitong diwa, ang balik-kilatis ay inihahain bilang lehitimong ambag sa kolektibong pagpapatatag ng KPP bilang isang buhay at naipapamanang tradisyon.
Recommended Citation
Demeterio, FPA III
(2026)
"Balik-Kilatis sa aking Pagsusulong ng Kritikal na Pilosopiyang Pilipino,"
Mabini Review: Vol. 16:
No.
2, Article 1.
Available at:
https://scholar.pup.edu.ph/mabrev/vol16/iss2/1